Mataas na opisyal ng NPA, sumuko sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 08:57 PM | Updated as of Nov 12 2019 10:16 PM

ECHAGUE, Isabela—Matapos ang tatlong taong pakikibaka sa gobyerno, sumuko ang isang opisyal ng rebeldeng grupong New People's Army (NPA) sa mga awtoridad bayang ito Martes.

Ayon sa pulisya ang rebelde na kilalang "Ka Marlboro" ay dating squad leader ng sub-guerrilla unit ng Central Front committee ng NPA sa Cagayan Valley.

Dalawang mataas na uri ng armas, bala, pampasabog, war materials at iba pang dokumento din ang isinuko ni Ka Marlboro.

Kasama umano siya sa mga nakaengkuwentro ng militar sa bayan ng San Mariano sa Isabela noong Okt. 24.

“Malaking kawalan siya sa kanilang grupo” ani Brig. Gen. Lawrence Mina, commanding officer ng 502nd Infantry Brigade na may jurisdiction sa lugar.

Hindi na umano kinaya ni Ka Marlboro ang hirap, pagod at puyat sa kabundukan at labis din siyang nag-aalala sa kaniyang pamilya, kaya tuluyan na siyang bumaba ng bundok para sumuko.

Dagdag niya, nalinlang siya ng dating mga kagrupo.

Ayon sa dating rebelde, plinano ng mga kahanay niya na pasabugin ang isang bio-ethanol plant pero hindi ito natuloy matapos madiskubre ang mga plano.

Aniya, mga magsasaka, ilang pulitiko, barangay officials pati umano miyembro ng media ang sumusuporta sa kanilang hanay.

Inihayag din ni Ka Marlboro na may mga bata silang miyembro, at ang pinakabata ay 15-anyos.

Nangako naman ang militar na tutulungan nila sa pagbabagong buhay ang sumukong rebelde, pati na seguridad niya at kaniyang pamilya.

May iba pa raw siyang kasama na gusto ding sumuko at nananawagan ang militar sa iba pang miyembro ng NPA na magbalik-loob na rin sa pamahalaan.

— Ulat ni Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.