'Ipadidila ko sa inyo': Mayor Isko, nagbabala sa grupo sa likod ng bandalismo sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 08:29 PM | Updated as of Nov 12 2019 09:45 PM

MAYNILA - Nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno sa grupong nasa likod ng bandalismo sa ilang underpass sa lungsod na nauna nang nilinis at pininturahan ng mga tauhan ng City Hall.

Sa post sa kaniyang Facebook page, nagbabala si Moreno sa lahat ng hindi makikiisa sa pagsasaayos ng lungsod.

"Kapag nahuli ko kayo, ipadidila ko sa inyo ito," ani Moreno.

Nauna nang humingi ng paumanhin sa publiko ang grupong Panday Sining na nasa likod ng bandalismo.

Giit ng grupo, kinailangan nilang gawin ito para mailabas ang kanilang saloobin hinggil sa mga nangyayari sa bansa sa kasalukuyan.

Ayon din sa grupo, handa silang makipag-usap kay Moreno tungkol sa nangyari. Sang-ayon rin umano sila sa kaayusan na isinusulong ng administrasyon ni Moreno.

Nauna nang nag-viral sa social social media ang larawan ng bandalismo na kagagawan ng grupo.

Ayon sa Manila Tourism & Cultural Affairs Bureau (MTCAB), nakalulungkot na sa ganitong paraan ipinaparating ng mga militanteng grupo ang kanilang hinaing. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.