Ilang lugar isinailalim sa Signal No. 1 dahil sa bagyong Ramon

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinaas na ang signal number 1 sa ilang lugar dahil sa bagyong Ramon, ayon sa state weather bureau na Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa). 

Kasama sa mga lugar na nasa ilalim ng signal number 1 ang Eastern Samar at ang eastern portion ng Northern Samar, na inaasahang makararanas ng pabugso-bugsong hangin at ulan sa loob ng 36 na oras.

Huling namataan ang bagyong Ramon sa layong 670 kilometro silangan ng Borongan, Eastern Samar, sabi ng Pagasa sa 5 p.m. advisory.

Sa forecast ng the Weather Company, lalapit ang bagyo sa Eastern Visayas at Bicol region sa Miyerkoles.

Magdudulot din umano ito ng katamtaman hanggang malakas na ulan sa Bicol region, Samar, Romblon, Marinduque, at southern Quezon.

Sa Huwebes, lalapit umano ang bagyong Ramon sa northern at central Luzon kaya makakaasa rin ng malalakas na ulan ang Isabela, Aurora, Quirino, Cagayan at Nueva Vizcaya.

Posible namang tumagal pa ang malakas na ulan sa Bicol region at Quezon hanggang Huwebes o Biyernes.

Posible ring makaranas ng malakas na ulan sa Mindoro, Romblon, Marinduque, Masbate, Aklan, at Capiz sa Huwebes.

Posibleng sa Sabado pa mag-landfall o tumama ang sentro ng bagyo sa Isabela o Aurora dahil mabagal ang pagkilos nito, base sa taya ng Pagasa.

Tatawirin umano ng bagyo ang northern Luzon.

Naglabas din ng gale warning sa seaboards ng northern Luzon at eastern seaboards ng central at southern Luzon, at eastern Visayas. Ibig sabihin nito ay mapanganib pumalaot dahil sa matataas na alon.

Hindi gaanong maapekthuan ng bagyo ang Metro Manila kung hindi magbabago ang direksiyon nito pero makararanas pa rin ng makulimlim na panahon at paminsan-minsang ulan sa mga susunod na araw. -- Ulat ni Kim Atienza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.