Buntis na teenager, sugatan sa pamamaril sa CDO

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 10:28 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Sugatan ang isang 16 anyos matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa bahagi ng Mastersons Avenue sa Barangay Upper Carmen, Cagayan de Oro City Martes ng umaga.

Ayon sa nakakita na si Engr. Nestor Casiño, duguan ang biktima matapos magtamo ng sugat sa kaniyang leeg.

"Nadatnan naming nakahandusay sa gilid ng kalsada ang biktima na inakap ng kaniyang mga kasama kaya agad kaming tumawag ng mga patrol cars para isakay at ihatid siya sa ospital," ani Casiño.

Agad ding nakaresponde ang tauhan ng City Mobile Force Company.

Ayon kay Police Captain Valentines Baja, galing sa Hall of Justice ang biktima upang dumalo sa hearing sa Regional Trial Court Branch 22.

Dagdag ni Baja, tinambangan ang biktima ng naka-riding in tandem nang makalagpas na ito sa pedestrian lane.

"So far, riding in tandem dahil dalawa ang sakay sa motorsiklo na XRM na may kulay red and white. Naka-helmet ng pula ang nagdrive ng motorsiklo." sabi ni Baja.

Patuloy pang inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng dalawang responsable na mabilis tumakas matapos ang pamamaril.

Hindi pa matukoy ng awtoridad kung ano ang motibo sa pagmamaril sa biktima na limang buwang buntis.

Sa impormasyon ng pulis, nasa mabuting kalagayan na ang biktima na patuloy pang nagpapagaling sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.