Abogadong nangaliwa, nagkunwaring senior citizen na-disbar

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 03:54 PM

MAYNILA - Tinanggalan ng Korte Suprema ng titulong "attorney" ang isang abogadong hindi nagbibigay sustento sa menor de edad na anak sa karelasyon, nameke ng birth certificate nito at nagkunwaring senior citizen para lang sa mga diskwento. 

Ayon sa pahayag na inilabas ng Korte Suprema nitong Martes, nahatulang guilty si Amador Peleo III ng "gross unlawful, dishonest, and deceitful conduct" sa mga nabanggit na paglabag - dahilan para ma-disbar ito sa pagkaabogado. 

Nag-ugat ito sa reklamong isinampa ng isang Marife Venzon, na may anak kay Peleo. 

Ayon sa kaso, nagkaroon ng "sexual relations" sina Peleo at Venzon noong 1996, nang nakipagkonsulta si Venzon para sa annulment mula sa asawa noon. Si Peleo ay may asawa na nang panahon na iyon.

Nang makipag-annul na si Venzon sa kaniyang asawa, naging magkarelasyon sila ni Venzon at nagkaroon ng anak noong 1998.

Ayon sa korte, pineke din ni Venzon ang mga impormasyon sa birth certificate ng anak nito nang magpanggap na legal na kasal kay Marife.

Una pang bumili ng apartment sa Sampaloc, Maynila si Peleo para kay Venzon at sa kanilang anak. Nakabili rin ng house and lot ang dalawa sa Occidental Mindoro. 

Pero kalaunan, hindi na nagbigay si Peleo ng sustento kina Venzon, at binawi rin ni Peleo ang binigay nitong bahay at lupa. Hindi rin daw nagbibigay ng sustento ang dating abogado sa kanilang naging anak.

Tinawag na "irresponsable" ng Korte ang ginawa ni Peleo, base sa kanilang desisyon. 

"Indeed, public confidence in law and lawyers may be eroded by the irresponsible and improper conduct of a member of the Bar. Hence, every lawyer is duty bound to act and comport himself or herself in such a manner that would promote public confidence in the integrity of the legal profession," ayon sa desisyon ng korte. 

Ayon pa sa korte, niloko rin ni Peleo ang gobyerno at mga pribadong negosyo nang magpanggap itong senior citizen at pakinabangan ang diskwentong kalakip nito kahit wala pa siyang 60 anyos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.