Retiradong pulis, timbog dahil sa mga di-lisensiyadong baril

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 05:42 PM | Updated as of Nov 12 2018 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ngayong Lunes ang isang retiradong pulis sa Caloocan City matapos mahulihan ng mga hindi lisensiyadong baril, sabi ng pulisya.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng National Capital Region Police Office (NCRPO)-Special Operations Unit ang bahay ni German Riogelon sa Barangay 181, kung saan nakuha ang isang armalite, dalawang kalibre .45 na baril, isang .38 revolver, granada, at mga bala. 

Ayon sa pulisya, walang papeles ang mga baril na ginagamit umano ng suspek at kaniyang grupo sa mga ilegal na gawain tulad ng pagpapatakbo ng pasugalan.

Nagretiro noong Hunyo si Riogelon, na dating nakatalaga sa Caloocan police.

Habang nasa serbisyo, maraming naging kaso si Riogelon, kabilang ang robbery extortion, unlawful arrest, at arbitrary detention.

Nahaharap din siya ngayon sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Ayon naman kay NCRPO chief Director Guillermo Eleazar, posibleng nagpaplanong bumuo ng pribadong armadong grupo ang suspek para sa nalalapit na halalan.

Pinaiimbestigahan na rin ang kaugnayan ng grupo ni Riogelon sa isang dismissed at isang aktibong pulis.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.