P500 buwanang food subsidy, muling inihirit ng labor group

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 06:09 PM | Updated as of Nov 12 2018 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling nanawagan ang isang labor group sa gobyerno na aprubahan ang inihirit nilang P500 buwanang food subsidy para sa mga manggagawang sumasahod ng minimum sa bansa.

Ayon sa grupong ALU-TUCP, makatutulong ang P500 ayuda para makaagapay ang mga manggagawa sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Hindi rin kasi sapat para sa grupo ang mga inaprubahang umento sa sahod kamakailan, gaya ng P25 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.

"Kulang nga at di sapat ang P25 wage increase," ani ALU-TUCP vice president Louie Corral.

Iminungkahi ng grupo na kuhanin ng gobyerno ang subsidiya mula sa kita nila sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, na naging pahirap umano sa mga manggagawa.

Para naman sa pamamahagi, iminungkahi ng grupo na ibigay ito sa porma ng card o food vouchers para sa mga nakarehistrong minimum wage earner sa ilalim ng Social Security System.

Pansamantala lang daw ito habang hindi pa nagagawan ng paraan ang inflation o iyong bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Nanatili sa 6.7 porsiyento ang inflation nitong Oktubre.

Noong Hunyo, nasa P200 ang halaga ng subsidy na inirekomenda ng Department of Labor and Employment kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Tiniyak naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na pinag-aaralan pa nila ang sitwasyon.

"We know that they deserve a higher wage adjustment," ani Bello. --Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.