Imelda, humiling na payagang umapela sa hatol na 'guilty'

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 07:06 PM

Dating First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos. Noel Celis, AFP/File

Naghain ang kampo ni dating First Lady at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos ng mosyon sa Sandiganbayan nitong Lunes para mapayagang iapela ang hatol na ibinaba ng korte noong Biyernes.

Nakatakdang dinggin ang motion for leave of court na inihain sa Sandiganbayan 5th Division sa Biyernes, Nobyembre 16, alas-8:30 ng umaga.

Nauna nang sinabi ni Marcos na balak niyang maghain ng motion for reconsideration para mabaligtad ang hatol sa kaniyang "guilty" ng Sandiganbayan sa pitong counts ng graft dahil sa paggamit umano ni Imelda ng kaniyang posisyon upang magpanatili ng mga Swiss bank account noong panahon ng pamumuno ng kaniyang mister, ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos.

Sinasabing ginamit ng pamilya Marcos ang mga Swiss bank account upang itago ang kanilang mga ninakaw na pera mula sa gobyerno.

Sa tantiya ng Presidential Commission on Good Government, aabot sa "US$5 billion to US$10 billion" ang halaga ng yamang ninakaw umano ng pamilya Marcos.

Sinentensiyahan ng Sandiganbayan si Imelda ng hindi bababa sa anim na taong pagkakakulong at perpetual disqualification sa paghawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.

Kamakailan ay naghain ng kandidatura si Imelda para sa pagkagobernador sa Ilocos Norte, kapalit ng kaniyang anak na si Imee na tatakbo naman para sa Senado.

Sinabi naman ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde na isasaalang-alang nila ang edad at kalusugan ni Imelda, 89, kapag siya ay inaresto.

"May edad na kasi. We have to take into consideration the edad, the age," sabi ni Albayalde.

Pero ayon sa human rights lawyer na si Jose Manuel "Chel" Diokno, na dekano rin ng De La Salle University-College of Law, hindi dapat maging hadlang ang edad para panagutin si Imelda.

"There should be jail time, I believe... The people have to see that anyone can be held accountable whether rich or poor," sabi ni Diokno, anak ng biktima ng martial law na si Jose "Pepe" Diokno.

Ayon naman kay dating Commission on Human Rights chief Loretta Rosales, dapat itulak ngayon ng publiko ang pag-alis sa labi ni Ferdinand sa Libingan ng mga Bayani, ngayong nahatulang "guilty" ang kaniyang First Lady sa katiwalian.

"I think it is only logical," ani Rosales. "But we have to be true to ourselves and we have to be true to generations hereafter."

Nangangamba naman ang mga kritiko ng mga Marcos sa posibilidad na pagkalooban si Imelda ng pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Diokno, magkakaroon ng pangit na larawan ang bansa kapag pinagkalooban ng pardon si Imelda.

“People will not swallow that very easily,” sabi ni Diokno.

Pero nauna nang sinabi ng Malacañang na "premature" at "speculative" o haka-haka lang ang pinangangambahang pardon.

--Ulat nina Christian Esguerra at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.