PatrolPH

Bagong panawagan sa pagbaba sa edad ng pananagutan, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 06:35 PM | Updated as of Feb 24 2020 05:33 PM

Watch more on iWantTFC

Inihayag ng ilang grupo ang kanilang pagtutol sa mga bagong panawagan na ibaba ang minimum age of criminal liability matapos batikusin kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Juvenile Justice Act.

Sa ilalim ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, hindi maaaring panagutin sa batas ang mga nakagawa ng krimen kapag sila ay may edad 15 anyos pababa.

Pero sinabi ni Pangulong Duterte sa isang talumpati noong weekend na ang naturang batas ang dahilan kung bakit dumadami ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga bata.

Pero ayon kay Commission on Human Rights Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana, kapag binaba ang edad ng criminal liability o pananagutan, mananakawan ng kinabukasan ang mga bata.

"Ano magiging kinabukasn ng batang 'yun, bata pa tinag mo na na kriminal?" sabi ni Pimentel-Gana.

Nakabinbin ngayon sa Senado ang isang panukalang batas na inihain ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na layong ibaba sa 13 anyos ang edad ng pananagutan mula 15 anyos.

Noong nakaraang taon, iminungkahi naman ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na ibaba ang edad ng pananagutan sa 9 na taong gulang.

Para naman sa grupong Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, hindi edad kundi kahirapan sa buhay ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno dahil ito ang nagtutulak sa ilang bata na gumawa ng krimen.

Sa pag-aaral ng Salinlahi, base umano sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), noong 2016, nasa 10,000 bata ang nasangkot sa krimen. Karamihan sa mga ito ay lalaki, hindi nakapagtapos ng ikaanim na baitang sa pag-aaral, galing sa mahirap na pamilya, at nahuli dahil sa pagnanakaw.

"Nandoon sila sa kondisyon ng kahirapan na kailangan nila mag-commit ng krimen para lamang mabuhay. At imbes na tugunan ito, gusto nilang tanggalin ang batas na nagpoprotekta sa mga bata," sabi ni Salinlahi Secretary General Eule Rico Bonganay.

Ang Salinlahi ay isang umbrella organization na binubuo ng higit 30 child at human rights advocates.

Sa ilalim din ng Juvenile Justice Act, dapat i-rehabilitate sa mga shelter na binansagang "Bahay Pag-asa" ang mga batang nakagawa ng krimen sa halip na ikulong sa mga ordinaryong piitan.

Pero ayon sa Salinlahi, bagaman 114 ang bilang ng mga Bahay Pag-asa na kailangang itayo ng gobyerno, mayroon lang 35 Bahay Pag-asa sa bansa.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.