Babaeng napagkamalang aswang, pinatay at sinunog ng sariling anak

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 05:46 PM | Updated as of Nov 12 2018 05:58 PM

Ang pinangyarihan ng insidente.

SIPALAY CITY, Negros Occidental - Isang 63-taong gulang na babae ang pinatay at sinunog umano ng sariling anak sa kanilang bahay sa Barangay Cabadiangan sa lungsod na ito Linggo ng hapon.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nasa loob ng bahay ang biktima kasama ang kaniyang tatlong apo nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Chief Inspector Anthony Grande, sinabi umano ng suspek na nadatnan niya ang kaniyang ina na namumula ang mata at lumalabas ang dila kaya napagkamalan niya itong aswang.

Hinampas niya ng pala ang biktima, at nang mawalan ng malay ay dinala ng suspek ang kaniyang ina sa banyo at sinunog ang katawan.

Dagdag ni Grande, hindi naman umano gumagamit ng ilegal na droga ang suspek, pero pinaniniwalaang may diperensiya ito sa pag-iisip.

May ilang mga kamag-anak rin umano ito na may diperensiya rin sa pag-iisip.

Kasalukuyang nakadetine sa istasyon ng pulisya ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.