Trump nag-barong, Trudeau nag-fast food: Ilang delegado bago ang opisyal na simula ng ASEAN Summit

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 11:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sunod-sunod dumating ang mga pinuno ng iba't ibang bansa para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Alas-11 ng umaga nitong Linggo lumapag sa Clark International Airport sa Pampanga ang eroplanong lulan si Thongloun Sisoulith, punong ministro ng bansang Laos.

Halos magkasunod namang dumating sina Joko Widodo, pangulo ng Indonesia, at Najib Razak, punong ministro ng Malaysia.

Bandang ala-1 ng hapon dumating sa bansa si Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong.

Sinundan ito ni Jacinda Ardern, na kauupo lamang bilang bagong punong ministro ng New Zealand noong nakaraang buwan.

Pasado alas-2 nang dumating si Justin Trudeau, ang punong ministro ng Canada at ikalawang non-ASEAN leader na dadalo sa okasyon.

Agad bumisita si Trudeau sa isang sikat na Pinoy fast-food chain.

 

Dumaan din si Trudeau sa Likhaan, isang women's health advocacy center.

Ito ang ikalawang pagbisita ni Trudeau sa bansa matapos ang Asia-Pacific Economic Cooperation Summit noong Nobyembre 2015.

Dumating na rin si Thai Prime Minister Prayut Chan-o-cha.

Bandang alas-4 ng hapon dumating sina Australian Prime Minister Malcolm Turnbull at Vietnamese Prime Minister Nguyen Xuan Phuc.

Bandang alas-6 ng gabi naman nang dumating si US President Donald Trump.

Sa Ninoy Aquino International Airport naman dumating sina United Nations Secretary General Antonio Guterres.

Imbitado ang mga delegado sa special gala dinner sa SMX Convention Center sa Pasay.

Host ng dinner si Pangulong Rodrigo Duterte.

Naka-barong si Trump nang salubungin nina Duterte at kaniyang partner na si Honeylet Avanceña.

 

Samantala, kabi-kabilang pulong naman ang dinaluhan nina Trade Secretary Ramon Lopez at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Pinag-usapan dito ang free trade agreements, pagpapalawig ng kalakalan, at ang code of conduct sa South China Sea.

Sa Lunes, Nobyembre 13, ang pormal na opening ceremony ng ASEAN Summit.

Una nang dumating sa bansa nitong Sabado, Nobyembre 11, sina Cambodian Prime Minister Hun Sen at Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.