Pulis, hinimatay; isang demonstrador, sugatan sa girian

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 09:57 PM | Updated as of Nov 12 2017 10:29 PM

Hinimatay ang isang pulis habang isang demonstrador naman ang sugatan nang magkagirian ang dalawang kampo sa Maynila nitong Linggo.

Natuto na ang mga demonstrador na nais sumugod sa US Embassy matapos harangin ng mga awtoridad noong mga nakaraang araw.

Mula Kalaw Avenue, biglang lumiko ang mga demonstrador patungong United Nations Avenue.

Kaya biglang napatakbo ang mga pulis upang habulin ang mga ito.

Nang mag-abot, nagkaroon ng tulakan sa pagitan ng pulis at mga demonstrador.

Nag-agawan pa ng kalasag hanggang sa bombahin sila ng tubig.

May ilang demonstrador na pumuslit patungong Flores Street, na hinabol din ng mga pulis.

Nagkagirian ulit kaya hinimatay ang isang pulis matapos maipit.

Umalis ang mga demonstrador para magdaos ng vigil sa Liwasang Bonifacio upang ipakita ang pagtutol sa pagdating ni US President Donald Trump.

May gimik din ang mga demonstrador gaya ng piñata na may mukha ni Trump, dart board na may mukha ni Pangulong Rodrigo Duterte, at mga bowling pins na may mukha nina Trump at Duterte.

Bukod sa pulis na hinimatay, may isang sugatan mula sa panig ng mga demonstrador.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.