Lalaking hindi nagtapon ng basura, binaril

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 09:53 PM

Patay ang dalawang mangangalakal ng basura sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Mandaluyong at Maynila nitong Linggo.

Bandang alas-7 ng umaga nang barilin si alyas "Ambot" sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong.

Ito'y dahil hindi umano tinapon ni Ambot ang basura ng suspek na si Romel Canana, kahit binayaran na umano ang biktima ng P40 para rito.

Ayon kay Canana, nakainom siya nang magkaroon sila ng pagtatalo ni Ambot. 

Nakatira malapit sa pinangyarihan si SPO1 Jean Aguada, na agad rumesponde nang marinig ang pagputok.

Tinulungan din siya ng ilang kapitbahay upang hulihin ang suspek.

Nakuha sa suspek ang ginamit na baril.

Sa Tondo, Maynila, patay naman ang biktimang si Angelo Tiozon.

Pauwi mula sa inuman si Tiozon, ala-1 ng madaling araw, nang malapitang barilin ng mga suspek na sina Marcial Rosendal at Milandro Guerrero.

Sa mata tinamaan ang biktima.

Parehong nasa "most wanted" list ang dalawang suspek dahil sa kasong murder at pagtutulak ng droga.

Kuwento ng kapatid ng biktima, maaaring napagkamalang nagsusumbong sa pulis si Tiozon kaya binaril.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawang suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.