Kotse bumangga sa poste sa QC; 3 sugatan

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 11:15 PM

MAYNILA - Tatlo ang sugatan nang sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa isang poste ng ilaw sa C.P. Garcia, sa bahagi ng Diliman sa Quezon City ngayong Linggo.

Sa inisyal na imbestigasyon, palabas na umano ang Suzuki Alto sa University Avenue, lulan ang lalaking driver at dalawang babae, nang ito ay maaksidente. 

Giit ng drayber ng kotse, may iniwasan siyang tricycle pero may nakasalubong itong sasakyan kaya't napilitan siyang iliko ang kanyang sasakyan.

Sa bilis ng takbo, sumampa pa sa sidewalk ang kotse at nabutas ang apat na gulong nito bago humampas sa poste ng ilaw. Yuping-yupi ang driver's side ng kotse at basag ang windshield nito

Agad namang dumating ang ambulansya mula sa University of the Philippines at Quezon City at naisugod naman sila sa ospital. Hindi na nagpaunlak pa ng panayam ang dumating na kaanak ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.