Indian national, patay sa pamamaril sa Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 06:00 PM

BIÑAN CITY - Patay sa pamamaril ang isang Indian national sa Biñan City, Laguna Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Buta Dhaliwal, 27 taong gulang.

Batay sa report, nakatambay si Dhaliwal at isa pa nitong kasama nang pinagbabaril sila ng hindi pa nakikilalang salaring sakay umano sa motorsiklo.

Bibili lang umano sana sa tindahan ang binatilyong si alyas Mark nang makita mismo ang pangyayari.

"May biglang pumutok, tapos pagtingin po namin, may binaril po doon. Tapos po tumakbo po kaming dalawa... pagkatapos po noon biglang kinuha niya 'yung motor, sinakyan niya," aniya.

Sa kuha ng CCTV ng isang establisyimento, nakitang tumatakbo si alyas Mark kasama ang kanyang kaibigan nang marinig ang putukan. Kasunod nila ang biktimang si Dhaliwal na nakahawak sa kanyang dibdib dahil sa natamong balang tumagos sa kanyang likuran.

Wala namang tama ng bala ang kasama nitong kasunod niyang tumakbo.

Dalawang basyo ng kalibre .45 na baril ang narekober sa crime scene. Ayon sa mga pulis, tinangka pa ng salarin na tangayin ang motorsiklo ng biktima, pero iniwan din.

Bagong lipat si Dhaliwal at ang kasintahan nito sa lugar mula Dasmariñas, Cavite pero matagal na umanong nagpapautang ang biktima sa lugar.

"So ayon sa aking pagtatanong sa ka-live in ng biktima, nahihirapan siya kaya sila lumipat dito sa area mismo ng pagpapautang ng biktima kaya pansamantala muna sila rito nanirahan," ani PO3 Nestor Lumanglas, Jr.

Kaso ng hold-up o koneksyon sa pagpapautang ng biktima ang dalawang anggulong tinitingnan ngayon ng pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.