19-anyos na umano'y holdaper, pinagbabaril sa Payatas

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2017 09:20 AM

MANILA - Patay ang isang 19-anyos na pinaghihinalaang holdaper matapos pagbabarilin sa Barangay Payatas-A, Quezon City, Linggo.

Naglalakad pauwi galing sa inuman sa bahay ng kanyang tiyahin ang biktimang si Kevin Mendez nang barilin siya ng 2 lalaki sa Rosal Street, kuwento ng mga kaibigang nakiusap na huwag pangalanan.

Ayon sa barangay tanod na si Sofronio Iquin, kilalang holdaper at tulak-droga si Mendez, na residente ng Barangay Commonwealth at madalas umanong tumambay sa Payatas.

Taliwas naman ito sa pahayag ng mga kaibigan ng teenager. Inilarawan nila si Mendez na mabait at palabiro.

Ikinuwento naman ng mga kaibigan na bago umuwi, tinanong sila ni Mendez kung mayroong lalaking naka-jacket na naghahanap sa kanya, bagay na itinanggi nila.

Inamin ng mga kabarkada na may nakita silang kutsilyong nakasabit sa baywang ng biktima.

Narekober sa crime scene ang 5 basyo ng bala ng baril at isang kitchen knife. Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.