Pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga kabataan sa San Juan City. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
MAYNILA— Nasa kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan na maglabas ng ordinansa para magpatupad ng mandatory vaccination kontra COVID-19, ayon kay League of Provinces of the Philippines president Marinduque Governor Presbitero Velasco.
Ito'y matapos aniyang hilingin nina Health Sec. Francisco Duque III, vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., at Interior Secretary Eduardo Año sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa para imandato ang pagbabakuna laban sa COVID-19.
“Sa local government code may provision na ’yung general welfare clause, ‘yan ang nagbibigay ng kabasehan para mag-issue ng ordinansa sa mandatory vaccination,” sabi ni Velasco.
Aniya, tutulong ang LPP na himukin ang mga lokal na pamahalaan para maglabas ng naturang ordinansa.
“Ang position namin talaga d’yan ay tumulong naman. At nakikita natin ang benefits that will result from full vaccination. So we told the NTF and DOH that we will encourage and request the local government units to issue their respective ordinances,” sabi niya.
Pero iginiit ni Velasco na dapat ay maisaalang-alang pa rin dito ang karapatan ng mga mamamayan at magkaroon ng ilang exemptions.
“Ang hinihiling ay lahat ng constituents nila o nasasakupan ay mabakunahan na nga. Kaya lang nga ay mayroon pa tayong ibang constitutional rights... So kailangang ikonsidera ‘yun at bigyan ng puwang sa provisions ng ordinances. Katulad halimbawa ng right to religious beliefs. Syempre mayroong mga iba-ibang religious beliefs, at kung ‘yun ay bumabangga sa mandatory vaccination, kailangan ma-exclude siguro ‘yung ganoong mga tao,” dagdag ni Velasco.
“At saka ‘yung right to health also, kailangan nilang i-take into consideration na ‘yung right to informed consent,” dagdag niya.
Pero ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, maaga pa para pag-usapan ito.
“Hindi pa namin ‘yun napag-usapan dito sa city. Marami pang kailangan bakunahan na gustong magpabakuna, so I think premature po na pag-usapan natin ‘yun,” sabi niya.
Sa target na 77 milyong Pilipino o 70 porsiyento ng populasyon sa bansa, 30.4 milyon pa lang, o wala pa sa kalahati ang may kumpletong COVID vaccine. Nasa 36.3 million naman ang may unang dose.
Naghahanda na ang gobyerno at partner organizations para sa tatlong araw na national COVID vaccination drive mula Nov. 29 hanggang Dec. 1, ayon sa National Task Force against COVID-19.
Target nitong makapagturok ng 15 million COVID vaccine doses sa loob ng tatlong araw.
Sabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., nag-commit na ang pribadong sektor at medical associations na tutulong pagdating sa manpower, logistics, venue at komunikasyon sa tinaguriang “Bayanihan, Bakunahan”.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.