PatrolPH

Lalaki arestado sa umano'y sextortion sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2021 03:50 PM | Updated as of Nov 11 2021 07:20 PM

Watch more News on iWantTFC

Arestado ang isang lalaki sa Santa Rosa City, Laguna dahil sa umano'y pananakot sa isang call center agent na ipapakalat ang maseselang larawan nito kapag hindi ito nagbigay ng pera.

Hinuli noong Martes ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group-Laguna sa entrapment operation ang 36 anyos na suspek na si Angelo Guevarra.

Inireklamo si Guevarra ng isang call center agent na nakilala niya sa isang dating app noong Oktubre.

Pero nitong Nobyembre, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa.

Kalauna'y nagbanta na ang suspek na ikakalat ang mga maselang larawan ng biktima kapag hindi sinunod ang gusto niyang mangyari at hindi ito nagbigay ng hinihinging pera, ayon kay CIDG-Laguna chief Police Lt. Col. Victor Sobrepeña.

Tumanggi si Guevarra na magbigay ng iba pang detalye pero sinabi niyang nagkaroon sila ng relasyon ng biktima.

"Humihingi po ako ng paumanhin. Ako po ay nagsisisi doon sa nagawa ko at humihingi ng kapatawaran," aniya.

Nagpaalala naman si Sobrepeña sa publiko na maging responsable sa paggamit ng dating apps.

"Huwag kayo magse-send ng kung ano mang malalaswa o kaya huwag kayo mag-divulge ng puwede gamitin sa inyo na pang-blackmail," aniya.

Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9995 o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.