'Wag mahimbing sa gabi': Lahar flow, daluyong posible dahil sa Ulysses, ayon sa PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2020 07:38 PM

Kinukuha ng isang babae ang ipinapatuyo niyang abaca sa isang bakod sa Barangay Agban sa Baras, Catanduanes noong Nob. 10, 2020. Sinisikap ngayon ng mga taga-Catanduanes na bumangon mula sa hagupit ng bagyong Rolly habang papalapit ang isa pang bagyo na posibleng makaapekto sa kanilang lugar. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA - Inaasahan ang pagbaha at landslide, daluyong, maging ang lahar flow sa mga tatamaang lugar ng bagyong Ulysses, ayon sa state weather bureau na PAGASA, na nagsabi ring inaasahan sa madaling araw mararamdaman ang pinakamalakas na hagupit ng bagyo. 

Gabi hanggang madaling-araw mararamdaman ang puwersa ng Ulysses sa malaking bahagi ng Luzon, ayon kay Esperanza Cayanan, Weather Division Chief ng PAGASA. 

Watch more in iWantTFC

"Tiyak mawawalan ng serbisyo ng kuryente so yun ang kailangan natin paghandaan. 'Wag masyadong mahimbing ngayong gabi, ito 'yung pinaka-critikal," ani Cayanan. 

Hindi naman kasinglakas ng hanging dala ng Rolly ang lakas ng hangin ng bagyong Ulysses pero kaya pa rin nitong makabuwal ng puno sa mga direktang tatamaan, ayon sa PAGASA. Pero binabantayan pa rin ang ulan na posibleng dalhin ng Ulysses. 

Binalaan na rin ng Phivolcs ang mga lugar malapit sa Bulkang Mayon, Pinatubo, at Taal dahil sa banta ng lahar flow. 

"Pag-ingatan ang mga ilog sa paligid ng Mayon Volcano, dahil marami pang loose o malambot na abo at bato na puwedeng anurin. Sa Pinatubo, marami pa pong pyroclastic materials sa taas at mga lahar sa ilog na puwedeng mag-mobilize," ani Phivolcs officer-in-charge Renato Solidum. 

Inaalala rin ngayon ng science authorities ang mga nawalan ng bahay at masisilungan dahil sa mga kakadaan pa lang na bagyo. 

Pinag-iingat din ang mga nakatira malapit sa mga dagat dahil dala rin ni Ulysses ang banta ng storm surge o daluyong at marami sa mga dike o seawall ang nasira sa mga nagdaang bagyo. 

Ayon sa PAGASA, maihahantulad ang nangyari ngayong 2020 sa nangyari noong 2004 kung saan sunod-sunod na bagyo ang tumama sa Luzon: ang Unding, Violeta, Winnie, at Yoyong - na nagdulot ng matinding pagbaha at landslide sa iba't ibang lugar. 

"Sana po ay maghanda na tayo kasi unang-una basa pa 'yung ating kalupaan. Diretso na po 'yan sa baha," ani PAGASA administrator Vic Malano. 

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.