Polillo Island naghahanda sa storm surge sa pagdating ni 'Ulysses'

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2020 10:39 AM | Updated as of Nov 11 2020 11:25 AM

MAYNILA - Nagpatupad na ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Polillo Island sa probinsiyang Quezon bilang paghahanda sa bagyong Ulysses.

Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ng alkaldeng si Cristina Bosque na pinalikas na nila ang mga residente sa kanilang coastal barangays.

"Dito po kasi sa amin mas prone kami sa storm surge, hindi po kami prone sa flash flood. Ang amin pong in-e-evacuate ay mga nasa tabing-dagat, marami kasi dito na ang mga bahay po nila nasa tabing dagat," ani Bosque.

Watch more in iWantTFC

Aabot sa 17 ang coastal barangays sa bayan - o malapit sa mga baybaying dagat.

"Dahil ito pong mga kabarangay namin sila po ay sanay na lagi sa coastal kaya akala nila itong pagdating ng bagyo minsan ordinary sa kanila 'yan kaya lagi namin pinaalalahanan na mag-forced evacuation po dahil mahirap po pag nandiyan na po. Ang scenario na kailangan sila ilikas at saka lang namin sila ilalagay maayos na lugar sa evacuation centers," ani Bosque.

May ilan din aniyang kusa na pumupunta sa mga evacuation sa pangamba sa bagyo.

Sa ngayon ay makulimlim na umano sa bayan at lumalakas na ang paghampas ng mga alon sa dagat.

Sinuspinde na rin ng LGU ang paglayag ng mga bangka para sa kaligtasan ng mga sasakay.

Kasalukuyang nasa Public Storm Signal No. 2 ang Polillo Island dahil sa Ulysses.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.