MAYNILA - Matapos daanan ng ilang bagyo, hindi na nagdadalawang-isip ang mga residenteng nakatira sa coastal areas sa bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro na lumikas sa posibleng banta ng storm surge na dala ng bagyong Ulysses.
Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Naujan Mayor Mark Marcos na hindi pa man sila natatapos sa pagtulong sa mga kababayang nasalanta ng mga nakaraang bagyo ay nagpapatuloy naman ang ginagawang koordinasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga opisyal ng barangay, partikular sa coastal areas.
Ito ay matapos na makatanggap sila ng mensahe mula sa national disaster agency tungkol sa banta ng hanggang 2 metrong taas na storm surge sa Occidental at Oriental Mindoro.
“Itong Ulysses ay aming inaabangan pa simula pa kahapon. Ang ating PDRRMO on top of the situation at nagpapa-alala sa ating mamamayan,” sabi ng alkalde.
“Kami hindi na rin nagpapatumpik-tumpik at kanina nga po lumabas na aming mga sasakyan, 'yung town crier na naga-announce tungkol sa bagay na ito. Meron na kaming mga kababayan na lumikas na rin, 'yung iba nasa may simbahan na ‘di na rin nagdadalawang-isip."
Nakataas ang signal no. 2 sa ilang bahagi ng Oriental Mindoro, kasama na ang bayan ng Naujan.
Magugunitang naging pang-limang landfall ang Oriental Mindoro ng nagdaang bagyong Quinta na nagdulot ng malaking pinsala sa buong lalawigan.
“May mga tumutulong din sa pamamagitan ng pagkain at kami naman po ay natapos na rin ang validation at ano mang araw ngayon kami ay makakapagbigay ng pinansiyal na tulong sa ating mga kababayan,” sabi ni Marcos.
Residents walk past damaged structures at Barangay Masaging, Municipality of Naujan, Oriental Mindoro in this photo taken at 8AM, after Typhoon Quinta made landfall in the province on Monday morning, October 26, 2020. Photo courtesy of Gheymark Fabellon
Sa bagyong Quinta, nasa 816 ang mga totally damaged na mga bahay habang 5,347 ang bahagyang nasira naman. Mayroon din halos 500 mga bangka ang nawasak sa bagyo.
“Pag material assistance ang ibibigay, alam n’yo naman po 'yung procurement process medyo mahirap ng kaunti. Dahil maraming bayan din ang nasalanta dito sa amin nung mga nakaraang bagyo, magpapang-agaw sa materyales,” saad niya.
Naujan, Oriental Mindoro, storm surge, bagyong Ulysses, typhoon Ulysses, Mark Marcos, TeleRadyo