Ayon sa PAGASA, maghapon na mararanasan ang pag-uulan sa kabuuan ng Bicol region ngayong Miyerkoles dahil sa bagyo. Courtesy: Karren Cannon
ALBAY - Lumikas na ang libo-libong residente sa Bicol Region bilang paghahanda sa bagyong Ulysses.
Sa pinakahuling tala na ipinalabas ng Office of Civil Defense Bicol hanggang alas-7 ng Martes, nasa 8,364 pamilya o 34,380 indibidwal ang nasa loob na ng iba't-ibang evacuation centers sa rehiyon.
Samantala, umabot sa 10,343 pamilya o 42,329 katao ang lumikas sa kanilang mga kaanak.
Nagsisimula pa lamang bumangon ang rehiyon sa pinsalang iniwan ng bagyong Rolly, partikular na sa Albay, Catanduanes, at iba pang lugar sa Bicol Region.
LINK: https://news.abs-cbn.com/news/11/10/20/bayan-sa-albay-na-hinagupit-ng-bagyong-rolly-hindi-pa-handa-sa-paparating-na-bagyo
Patuloy na nakararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag ulan sa probinsiya ng Albay simula pa madaling araw ng Miyerkoles - na mas lumakas nitong alas-11 ng umaga.
Ayon sa PAGASA, maghapon na mararanasan ang pag-ulan sa kabuuan ng Bicol region ngayong Miyerkoles dahil sa bagyo.
Sa Albay, nagpapatuloy naman ang pre-emptive evacauation sa mga residenteng delikado sa pagbaha, lahar, landslide, storm surge at malakas na hangin, alinsunod sa utos ng provincial disaster risk reduction and management council nila.
Ang iba naman lumikas sa kani-kanilang kakilala o kamag-anak.
Inaasahang magla-landfall sa Polillo Islands at Mainland Quezon ang bagyo pero ayon sa PAGASA, posible pa ring dumaan ang mata o sentro ng bagyo malapit sa landmass ng hilagang bahagi ng Bicol kaya maigi pa ring mag-ingat at maging handa.
May food packs at iba pang food and non-food items na naiahanda ang Department of Social Welfare and Development sa Bicol sakaling kailanganin ng tulong ng mga lokal pamahalaan sa posibleng epekto ng bagyong Ulysses sa rehiyon.
May P3 milyon na standby fund rin ang ahensiya para rito.
Nawalan na naman ng suplay ng kuryente ang Legazpi dahil sa Ulysses.
Suspendido ang pasok ngayon maging ang operasyon ng malls at iba pang business establishments sa Albay.
-- Ulat ni Karren Canon
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Ulysses, Bagyong Ulysses, rehiyon, Bicol Region, tropical storm Ulysses, Bicol, weather, weather disturbance Philippines, Bicol weather updates, Bicol region weather updates, Ulysses updates Bicol Region