Sa tantiya ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes, nasa 7,000 ang lumikas papunta sa kanilang evacuation centers. Jacque Manabat, ABS-CBN News
CATANDUANES - Ngayong bumabangon pa ang mga residente sa probinsiyang ito mula sa pananalasa ng bagyong Rolly, pinili muna ng ilan na makisilong sa kanilang mga kapitbahay.
Sa tantiya ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes, nasa 48,000 indibidwal ang nakikisilong ngayon sa mga kapitbahay nila. Nasa 7,000 naman ang nasa evacuation center na itinalaga ng gobyerno.
May iilan pang evacuation center sa probinsiya na nakaligtas sa hagupit ni Rolly, na sumira sa nasa 90 porsiyento ng mga estruktura sa lugar.
Pero maging ang mga evacuation center ay may indikasyon na maaaring magiba kapag dinaanan ng mga bagyo tulad ni Ulysses - kaya nakituloy muna sila sa mga kapitbahay na may matibay-tibay na bahay.
Nagtuloy-tuloy ang ulan simula madaling-araw ng Miyerkoles, pero hindi inalintana ng residenteng si Jayson Tarnate ang bagyo, na sumuong sa ulan at hangin para makabili ng pagkain para sa mga nakisilong na kapitbahay.
Naka-3 nang sari-sari store si Tarnate pero bigo siyang makabili kaya umuwi na lang siya.
"Bibili sana ng hotdog at manok. Lulutuin sana namin kaso wala kaming mabilhan. Yung mga bahay po nila kakalagay lang ng pang-safety. Eh nilipad na naman po ulit, [kaya] pinalikas muna namin sa 'min," ani Tarnate.
Sa lakas ng hangin, nabubuwal na maging ang mga puno. May ilang naglakad pero nahihirapang makabalik sa kanilang bahay.
Poste na lang ang natira sa bahay ni Marites Tindugan, na kasama sa 1 sa 3 pamilyang nakikituloy ngayon sa bahay ni Tarnate.
Sinubukan pa niyang isalba ang kaniyang mga gamit pero isang bag lang ng damit at low battery na flashlight ang nabitbit niya.
May mga residente ring nasa kalsada. Ang ilan, nagmamadaling makahanap ng gamit para mas tumibay ang kanilang mga bahay.
Sa ngayon, tinututukan ng LGU ng Catanduanes ang pagbangon sa bagyong Rolly.
"Itong bagyong Ulysses sa amin ay balewala. If not for bagyong Rolly na napinsala kami masyado... Ang pinakaproblema namin ngayon is how can we recover ASAP," ani Catanduanes Governor Joseph Cua.
Sira rin ang Doppler radar ng PAGASA sa probinsiya na pinangsusukat ng lagay ng ulan. Ngayon, umaasa muna sila sa Doppler radar na nasa Daet, Camarines Norte.
"Malaking kawalan [ang Doppler radar] sa part ng Visayas at Bicol area kasi mostly ang data ng coverage nito na 400 kilometers maximum range, hagip niya ang Samar area at Southern Luzon," ani PAGASA Catanduanes officer in charge Juan Pantino Jr.
Kasama sa mga napuruhan ng bagyong Ulysses ang coastal municipalities ng Catanduanes tulad ng Bagamanoc, Pandan, Panganiban, Viga, Caramoran, at Gigmoto.
Binaha rin ang bahagi ng mga nasabing munisipalidad at nagkaroon din ng mga landslide sa ilang lugar.
Sa ngayon, wala pang naitatalang nawawala o nasasaktan dahil sa bagyo.
-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Ulysses, bagyong Ulysses, Bicol Region, Bicol, Catanduanes, UlyssesPH, weather, panahon, Datel, Camarines Norte, Doppler