7 lalaki arestado sa buy-bust sa Bacoor

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2020 06:44 AM

MAYNILA - Arestado ang 7 lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Bacoor City Police sa isang bahay sa Bgy. Zapote V nitong Lunes. 

Sa ulat ng public information office ng lungsod, arestado ang pangunahing target ng buy-bust na si Reynante Ferreras na nakuhaan ng baril at bala. 

Nasabat din sa kaniya ang 29 na sachet ng hinihinalang shabu. 

Narekober naman ang isang inaresto na si Jerwin Plandiano ng 10 sachet. 

Naaktuhan naman umano sa paggamit ng droga ang mga lalaking nahuli sa bahay at nakuhaan ng drug paraphernalia. 

Kinilala ang ibang mga inaresto na sina Christopher Lleuder, Raffy Angeles, Kenneth Bangsal, Richard Menye, at Robert Luzano. 

Nasa kustodiya na sila ng Bacoor Police at nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.