Tulong panawagan ng mga nasalanta ng malalaking alon sa Occidental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2019 05:42 PM | Updated as of Nov 11 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ng tulong ang mga local government official mula sa mga bayan sa Occidental Mindoro na naapektuhan ng paghampas ng malalaking alon nitong mga nakaraang araw.

Bukod sa relief goods, humingi rin ng tulong si Paluan Mayor Carl Pangilinan para maipagawa agad ang seawall na nasira ng paglakas ng mga alon, na bunsod ng paglabas ng bagyong Quiel.

"Sana po 'yong pagre-repair ng aming seawall ay lalong mapadali dahil 'pag naulit 'yong ganitong kalamidad sa amin ay baka po talagang ma-washout na 'yong mga bahay sa tabing-dagat," ani Pangilinan sa panayam ng radyo DZMM.

Nanawagan din ang alkalde ng tulong para sa kabuhayan ng mga residente, na karamihan ay mga mangingisda.

"Sana'y matulungan din kami pati po sa Department of Agriculture para po mabigyan ulit ng kabuhayan ang aking mga mangingisda," aniya.

Isinailalim sa state of calamity ang Paluan dahil sa tindi ng pinsalang iniwan ng malalaking alon sa lugar, na aabot sa P300 milyon ang halaga.

Tulong din ang apela ni San Jose Vice Mayor Rod Agas para sa mga crew ng bangkang Pinoy na binangga ng Chinese vessel sa Recto Bank sa West Philippine Sea noong Hunyo.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Agas na kasama sa nasira ng alon ang bangkang ibinigay ng isang Chinese group para sa crew ng F/B GEM-VER, na binangga noong Hunyo 9 ng Chinese vessel.

Naputol ng malalaking alon ang kahoy sa gitna ng bangka kaya hindi na ito mapakinabangan ng mga mangingisda.

Nanawagan din si Agas sa Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment na sana ay maibigay na ang ipinangakong tulong sa mga mangingisda ng F/B GEM-VER.

Sa Barangay Dos sa bayan ng Santa Cruz, halos nadurog ang magkakatabing bahay nang abutin ng hampas ng dambuhalang alon.

Walang naisalbang gamit ang mga residente ng barangay, na agad nailikas bago tumama ang mga alon.

Bukod sa 3 nabanggit na bayan, nagdulot din ng pinsala ang mga alon sa mga bayan ng Rizal, Sablayan, at Mamburao.

Natagpuan na ang siyam na tripulante ng 2 fishing boat na iniulat na nawawala ng kanilang mga kamag-anak matapos maabutan ng mga alon sa karagatan.

Siyam na tripulante ng 2 fishing boat naman ang natagpuan matapos maiulat ng mga kamag-anak na ilang araw nang nawawala 

Nakapagtago umano ang mga tripulante sa isang isla kaya sila nakaligtas. -- May ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.