(UPDATE) Pinalayas nitong Lunes ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga vendor sa isang kalsada sa Divisoria dahil sa kabiguan ng mga itong panatilihing malinis ang kanilang lugar.
Nagdesisyon si Moreno na ipagbawal ang pagtitinda sa bangketa ng Ylaya Street matapos siyang salubungin ng sangkaterbang basura nang mag-inspeksiyon sa lugar.
"'Di ba sila'y nakapaghanapbuhay kaso binaboy naman nila. Kahit naman sino siguro, sasama ang loob," sabi ni Moreno.
"Dahil binaboy nila 'yong Ylaya, Binondo, wala na silang tinda diyan," dagdag niya.
Bagaman walang nagawa ang mga tindero at tindera sa lugar kundi hakutin ang kanilang mga paninda, na karamihan ay mga tela, nakiusap sila sa alkalde na huwag muna silang paalisin lalo at papalapit ang Pasko.
"Gagawan po namin ng paraan 'yong basura, mayor, sige na po," sabi ng tinderang si Chona Dalangin, na naiyak nang makapanayam ng ABS-CBN News.
"Talagang ito lang pinagkakakitaan namin, lahat kami dito," aniya.
Isang residente ang lumapit sa ABS-CBN News at nagpakita ng video ng mga nagtatapon umano ng basura sa Ylaya Street.
Matagal nang may nagkakalat sa Ylaya na mula sa ibang lugar, ayon sa residente.
ORGANIZERS NA NAG-AALOK NG PUWESTO SA VENDORS BINALAAN
Nagbabala rin si Moreno sa mga nagpapakilalang organizer na nag-aalok ng puwesto sa kalye sa mga vendor sa may Divisoria.
Ito ay matapos makatanggap ng impormasyon ang Manila City Hall na may mga organizer na nag-aalok ng puwesto sa mga vendor, na may halaga umanong aabot hanggang P15,000.
Nauna nang pinaalis ni Moreno ang mga vendor mula Recto Avenue at Juan Luna Street sa Divisoria, at ipinalipat ang mga ito sa mga bangketa ng mga kalsada sa lugar gaya ng Ylaya, Zamora, Carmen Planas, Sto. Cristo and Jaboneros streets. -- Ulat nina Jekki Pascual at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Maynila, Divisoria, clearing operation, basura, vendors, sidewalk vendors, Isko Moreno, TV Patrol, Zyann Ambrosio