PatrolPH

Babae dinala sa dead-end na kalye, tinangkang i-lock sa loob ng UV Express

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2019 07:24 PM

Watch more on iWantTFC

Muntik na umanong mabiktima ng isang driver ng UV Express ang kaniyang babaeng pasahero sa Marikina City, na dinala sa dead-end na kalye at tinangkang i-lock sa loob ng sasakyan.

Ayon sa nagrereklamong si alyas "Gemma," umaga noong Nobyembre 1 nang sumakay siya sa UV Express para mamalengke.

Noong una ay tumanggi si "Gemma" na sumakay dahil walang sign board ang sasakyan.

"Sabi niya, 'Hindi ma'am kasi papunta rin akong bayan, okay lang po, mamamalengke po yata kayo," kuwento niya.

Nang mag-iba ang ruta ng sasakyan, sinabi umano ng driver kay "Gemma" na dadaan daw siya sa operator.

Pero pumarada ang sasakyan sa isang dead end na kalye.

"Lumabas siya tapos sa may likod ng driver's seat, binuksan niya, sabi niya, 'Ma'am may kukunin lang po ako diyan sa side mo,'" ani "Gemma."

Pinagbantaan pa raw ng driver si "Gemma" na papatayin niya ito.

Nanlaban si "Gemma" at nakalabas ng UV Express. Hinabol siya ng driver pero hindi na naabutan.

Mula noon, hindi na muling sumakay ng UV Express si "Gemma."

Kumbinsido naman ang Marikina police na base sa kuha ng surveillance camera sa nangyari, nalagay sa panganib ang buhay ni "Gemma."

"I-encourage ko sana ang victim na magsadya dito... para maimbestigahan din po ang pangyayari," ani Lt. Ramil Soriano ng Marikina police.

"Siguradong may threat 'yon kasi nakita niyo naman bumaba 'yong babae," dagdag ni Soriano.

Ipinayo ni Soriano sa mga babaeng sasakay ng mga public utility vehicle na maging listo.

Kung puwede ay ilista raw ng mga pasahero ang plate at body number ng sinakyan at i-text sa mga kaanak.

Maganda rin kung sa likod ng driver sasakay at huwag sa tabi.

Makikipag-ugnayan naman ang pulisya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, na iniimbestigahan na rin ang insidente.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.