Angkas driver, pasahero nakuhanan ng higit 20 sachet ng shabu

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2019 09:23 AM | Updated as of Nov 11 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang driver ng ride-sharing app na Angkas at ang pasahero nito matapos makuhanan ng mahigit 20 sachet ng shabu sa Cubao, Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa driver na si "Dino," isinabay lang niya ang babae at pagbaba nito ay nagulat na lamang siya na puno na ng shabu ang helmet.

Giit naman ng babaeng pasahero, ibinugaw siya ng kaniyang kaibigan para kitain si Dino. Nagtalik umano sila, pero sa halip na pera ay shabu ang ipinambayad sa kaniya.

Magkaiba man ang pagkakasalaysay nila sa umano'y nangyari, parehas silang makukulong. Sa buy-bust na isinagawa, nabilhan ng droga ang babae matapos nitong kumuha ng supply sa lalaki. Bukod sa helmet, may nakuha ring shabu sa bra ng babaeng suspek.

Parehong nasa watch list ang mga suspek, ayon kay Police Captain Ramon Aquiatan, hepe ng Cubao Police Station. Ang babaeng suspek ay una nang sumuko habang ang lalaki naman ay kalalaya lamang noong 2018.

Kinukuhanan pa ng ABS-CBN News ng pahayag ang Angkas kaugnay sa nahuling driver, ngunit walang pang natatanggap na sagot.