MAYNILA - Pinasisibak sa serbisyo ang 3 pulis na nangotong umano mula sa isang bidder ng 3,000 body cameras ng Philippine National Police.
Ito ay sina Police Majors Emerson Sales, Rholly Caraggayan, at Angel Beros na miyembro ng Bids and Awards Committee Technical Working Group.
Sina Sales at Caraggayan ay AWOL (absent without leave) na habang si Beros ay aktibo pa sa serbisyo.
Matatandaang noong 2017, nanawagan ang publiko na dapat magkaroon ng body cameras ang mga pulis kapag sumabak sa anti-illegal drugs operations.
Inilabas ang P334 milyong pondo nitong 2018 pero naantala ang pagbili ng body cameras. Patapos na ang 2019 subalit nasa bidding process pa rin ang programa.
Nitong taon, nadiskubre ng pulisya ang umano'y extortion kung saan aabot sa P5 milyon ang nakulimbat mula sa isang pribadong kumpanya, ayon kay PNP officer in charge Lt. Gen. Archie Gamboa.
Nagsumbong ang bidder dahil lahat ng nagbigay ng padulas ay disqualified sa post-evaluation process.
Iimbestigahan kung magkasabwat ang 3 sa pangingikil, na mahaharap sa kasong kriminal.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, DZMM, PNP, extortion, bodycams, drug war, Philippine National Police