Failon Ngayon: Vape pa more!

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2018 09:53 AM

Way of life na nga raw para sa ilan ang vaping. Bukod kasi sa maaaring iwasan ang nikotinang dala ng sigarilyo, isang libangan at magandang negosyo ang pagbebenta nito!

Gaya ng nangyari kay Pando Rodrigo, board member ng Vapers Association of the Philippines.

Kwento ni Pando, 2009 nang siya ay mag-umpisang gumamit ng vape. Lagi niya itong dala kahit saan siya magpunta. Ginagamit niya ito para maka-iwas sa paninigariyo. At nang nakita niya na marami rin ang nagtatayo ng tindahan ng vape ay nahikat na din siyang magtayo nito.

Pero totoo bang nakakaiwas ka talaga sa disgrasya sa paggamit ng mekanismong ito?

Kamakailan nga lang ay napabalita ang isang lalaking nasabugan ng vape sa kanyang bibig. Sa ospital na nga natagpuan ni Aling Grace Sardea ang kanyang disisyete anyos na anak.

Kwento ni Aling Grace, “Hindi ko talaga alam na nag-vape siya. Nakikitakita ko lang, kapag nandiyan yung mga barkada niya. Nakikita ko siya na hinihiram niya ang vape sa barkada niya so ako talagang pinapagalitan ko yan. Tapos, last week bumili na raw siya ng vape hindi ko alam kung saan kumuha ng pera. Yung vape niya online at second hand lang, sa tao lang binili hindi sa shop, gamit na. nabili niya ito ng worth 700pesos, kasama yung battery doon. Ginamit pa daw nya ng 2 days yon."

Pero mukhang palyado raw ang baterya nito kaya nakipagtransaksyon ulit ang anak online. Sa pagsaksak ng segunda manong baterya saka sumabog ang vape cigarette. Puno ng hinagpis ang si Aling Grace sa nangyari dahil posible nga raw mabulag ang kaliwang mata ng kanyang anak at kung sakaling makapagsalitaman ito ay maaaring pautal-utal na raw ito.

Ipinaliwanag ni Engineer James Santiago, isang electronic expert, ang sanhi ng pagsabog gamit ng mechanical vape. Ayon sa kaniya, “Ang nangyari doon nagkaroon ng fast discharge yung battery. Malamang yung settings ng vape niya nasa high which means mataas na mataas yung voltage and the battery cannot cope up with the discharge requirement. Also the type of battery that you use has indication on how high you can discharge how high it can charge."

Kung hindi pala basta-basta ang paggamit ng vape lalo na’t rekta ang paggamit nito sa katawan, paano nasisiguro na ang aparatong ito ay nasuri at ligtas gamitin?

Taong 2014 nang magkaroon ng inisyatibo ang Department of Health para magsuri ng mga e-cigarette. Ito ay sa pamamagitan ng isang administrative order ni dating kalihim Enrique Ona. Pero hanggang ngayon, wala pa ring nakikitang Certificate of Product Registration sa mga ibibentang vape.

Kaya ang siste ngayon, kaniya-kaniyang regulasyon na lang ang mga nagnenegosyo. Paliwanag dito ni Ginoong Pando, “Yes nagse-self regulate kami but don lang sa mga kasama naming mga tindahan sa community. While waiting for the government to role out regulations for vaping industry, the group and the community tries its best in terms of not letting minors get access to vaping and at the same time educate everyone about safety benefits and all other things related to vaping.”

Yun ay kung kabahagi ka ng grupo nila. Ngunit ang nakalulungkot, naglipana ang bentahan din ng vape online. Kaya nabibili ito ng mga menor de edad na gaya ng anak ni Aling Grace.

“Nasasapawan siya nong mga nagbebenta lang like sa online nagbebenta sa tyangge kaya kami talaga tinatry namin yung makakaya namin,” dagdag pa ni Ginoong Pando.

May mga panukalang batas naman sa kongreso, ngunit ang ilan sa kanila nasa committee level pa rin. Ayon dito ni Secretary Francisco Duque ng Department of Health, “Syempre itong DOH Administrative Order medyo paso na yan dahil itong mga e-cigarettes nagevolve na ito into many types so kailangan gawing mas moderno ang administrative order, kailangan repasuhin ang lahat ng ito. Dapat tingnan yung sale, distribution, exportation importation yung manufacturing, packaging, licensing, advertising, promotion.”

Ngayon, kaniya-kaniya munang pag-iingat ang maaaring gawin ng mga bibili at gumagamit. Payo ni Engineer Santiago, “Regardless of how they call the vape, whether mechanical or variable the dangerous component there is the battery. Physical observation lang, pag nagkaroon ng deformation nag-iba ang hugis ng baterya mo, tapos mabilis siya mag-init, tapon mo na yon. Pwede nang sumabog yon. Yung plastic coating kung binili mo siya tapos may mga gasgas or may napeel-off na part wag mo kukunin yon. Dapat routinely nagpapalit ka, let’s say after 6 months or check the specifications.”

Payo naman ni Aling Girley sa mga gumagamit ng vape, “Masakit sakin ang naidulot nito sa anak ko. Sana sa mga gumagamit ng vape ngayon mag ingat sila maigi. Wag kung basta-basta kaninong tao na lang nakikipagmeet up. Nangyari na ito sa anak ko eh ayaw ko nang maulit pa sa ibang kabataan.”

---

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice, 11:00 ng gabi sa ABS-CBN!

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon.

Magkumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook page, http://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.

I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa http://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at Iwant TV! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwanttv.com