Failon Ngayon: Dagdag Timbang Sa Mga Pamilihan?

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2018 09:55 AM

Ngayong ber season, ramdam na ulit ang Christmas rush. Bukod sa mga pang-regalo nandiyan rin ang handa sa mesa na muling kakaririn ng mga Pilipino. Ibat ibang sangkap, gulay at prutas na binibili ng kilo-kilo. Pero ano ang kasiguraduhan mo na ang mga pinamili sa timbang ay talagang sakto?

Ang alanganin na timbangan ang siya ngang napansin ng stand-up comedian na si Didong Dumadag kapag siya ay namamalengke. Kilo-kilo pa naman kung siya ay mamili dahil pang isang linggong gamit na nila ito sa bahay. Pero kalaunan, naramdaman niyang gumagaan na ang kanyang bitbitin. yun pala may dayaan na!

Kwento ni Didong, “Kapag tinitimbang niya ang kamay niya hindi niya inaalis sa timbangan so nababantayan ko dalawang beses na sa pagbalik-balik ko doon. So naiinis na ako kasi pag bibitbitin ko na parang ang gaan hindi na katulad nung dati. Kinuha ko at tinimbang ko sa kabila doon ko naano na hindi siya isang kilo. Ibig sabihin matagal na niya palang akong niloloko. Siyempre galit ka diba? Trusted ka na sa kanya, nagbabayad ka naman ng maayos, hindi naman utang yun.”

Ayon sa isang consumer group, talo talaga ang mga konsyumer sa ganitong pandaraya. Ayon kay Pet Climaco, Secretary General ng BK3, “Kalimitan lalo na sa wet market ay yung mga kulang sa timbang, ipapakita sayo na ang presyo ay mas mababa kaysa sa kanilang mga katunggali sa palengke, pero pag-uwi mo hindi pala ang tamang timbang ang nakuha mo. Syempre nagagahol na ang mga tao sa oras, ang mga bumibili more likely hindi na niya titingan kung ano ba talaga kung tama ang kanyang binili or hindi.”

Ayon sa Department of Trade and Industry, responsibilidad ng mga local government unit na siguraduhing eksakto ang mga timbangan sa kanilang palengke.

Sa lungsod nga ng Maynila, may mga pamilihan silang binabantayan. Lahat ng timbangan dito, mechanical man o electronic ay kailangang dumaan sa pagsusuri o kung tawagin ay calibration.

Ayon kay Annie Balboa, Market Administrator sa Maynila, “Every 6 months ang calibration. May test weights tayo na inilalagay po yun sa mismong timabangan, nilalagay po yun sa plato ng timbangan para makita kung talagang tama ang kanilang timbangan. Dapat po ay makikita silang selyo at sticker na nakalagay sa timbangan natin.”

Samantala, ang mga pribadong tindahan gaya ng grocery ay kailangan din magpacheck ng kanilang timbangan.

Kung may duda pa rin sa bigat o gaan ng iyong mga pinamili, ang DTI sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan ay nagtalaga ng isang timbangan ng bayan kada pamilihan. Paliwanag dito ni Usec. Ruth Castelo, “Many years ago mayroon talagang timbangan ng bayan na nilalagay ang government sa publicly and privately owned supermarkets para masigurado na mayroong isang official weighing scale na siguradong tama ang timbang ng mga binibili nila. Some years ago, DTI turned this over to the Local Government Unit for maintenance and up keep nung timbangan.”

Pero ang siste, mangilan-ngilan pa rin sa ating mga kababayan ang nakakaalam rito.

Heto pa, kahit may selyo na ng pamahalaan ang timbangan, tayo pa rin ay naiisahan? Paano nga ba malalaman kung ang mga timbangan ay nakompromiso na ng kawatan?

---

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice, 11:00 ng gabi sa ABS-CBN!

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon.

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook page, http://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.

I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa http://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at Iwant TV! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwanttv.com.