Tinatayang 1,000 bote ng tubig nahulog sa trak sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 10:01 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

MANILA - Tinatayang nasa isang libong bote ng tubig ang tumapon mula sa isang truck wing van, Sabado ng umaga sa Quezon City.

Basang kalsada at mabagal na daloy ng mga sasakyan ang bumungad sa mga motorista alas-5 ng umaga sa kahabaan ng Katipunan Avenue papuntang Old Balara dahil sa insidente.

Kuwento ng driver na si Alvin Moya, tinatahak niya ang truck lane nang biglang bumukas ang gilid ng wing van at nahulog ang kargang mga bote ng mineral water. 

Aminado si Moya na naramdaman niyang maalog ang kaniyang mga sakay na bote. 

Paliwanag naman ng pahinanteng si Elmer Onihon, kumalas ang lock ng wing van kaya tumapon ang karga nito na dadalhin sana sa Malolos, Bulacan. 

Ayon kay Adrian Oro, enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), maaaring mabilis ang takbo ng wing van. Pero giit naman ng driver nito, nasa 40 kph lamang ang kaniyang takbo. 

Nilinis na ng street sweepers ang lugar habang may ilang mangangalakal ang ginamit ang oportunidad para kunin ang mga napitpit na lalagyan ng tubig para ibenta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.