Magkakasunod na kaso ng budol-budol, balak imbestigahan sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2017 10:31 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Dahil sa sunod-sunod na napapabalitang kaso ng budol-budol na karaniwang nambibiktima ng mga senior citizen, retirado, at overseas Filipino workers (OFW), nagpasya ang isang kongresista na imbestigahan na ito sa Kamara. 

Ang resolusyon ay inihain ni Negros Occidental Rep. Alfredo "Albee" Benitez.

Giit ni Benitez, panahon na para marepaso ang batas na sumasakop sa budol-budol para maitaas ang multa at parusa rito.

"The number of cases na narinig ko at na-report sa ating media is already alarming. Gusto nating alamin kung bakit napakaraming nabibiktima pa rin at magkaroon ng public awareness," ani Benitez.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) Special Task Force, 1990s pa nagsimula ang modus operandi ng budol-budol.

Bagama't higit sa 20 na ang naaresto at nakasuhan nila, patuloy pa ring namamayagpag ang grupo.

Suspek sa budol-budol, hinarap ang isang biktima

Lumutang naman sa tanggapan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isa sa mga suspek sa budol-budol para sana linisin umano ang kaniyang pangalan.

Humarap sa awtoridad ang suspek na si Lucy Rabuyo matapos ituro ni Leonardo Austria bilang isa sa miyembro ng budol-budol gang na tumangay sa higit P8 milyon niyang ipon.

Nang makaharap ni Austria si Rabuyo, binawi ng biktima ang kaniyang naunang paratang.

"Kahawig lang siya. Humihingi ako ng pasensiya sa'yo," ani Austria.

Pero sa paglutang ni Rabuyo sa CIDG, biglang natuklasan na isa pala siya sa mga suspek na nakasuhan na sa pag-budol-budol ngayon lamang taon. 

Ayon sa record ng awtoridad, P3.7 milyon ang natangay sa isang taga-Cavite nito lang Hulyo gamit ang umano'y tuna preservatives.

Mariin namang itinanggi ni Rabuyo na miyembro siya ng budol-budol gang.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.