PatrolPH

Lalaking nagpanggap na doktor arestado sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2021 01:53 PM

Watch more on iWantTFC

Arestado kamakailan ang isang lalaking nagpanggap na doktor sa Tondo, Maynila, sabi ng pulisya.

Nabisto ang 34 anyos na suspek matapos maghinala ang kaniyang employer na may-ari ng clinic sa mga ibinibigay niyang reseta sa mga pasyente.

Nang i-background check, natuklasang wala ang pangalan nito sa listahan ng Professional Regulation Commission (PRC) ng mga pumasa sa medical board exam.

Ayon sa complainant, nakilala niya online ang nagpanggap na doktor. Nagpakita pa ito ng lisensiya mula sa PRC pero peke pala ito.

Inamin ng suspek na bagama't nag-aral siya ng medisina, hindi talaga siya nakapasa sa board exam.

Dalawang taon na rin umano niyang ginagawa ang pagpapanggap na doktor.

Patong-patong na kasong paglabag sa Medical Act of 1959, estafa at falsification of public documents ang isasampa sa suspek, na maaaring makulong nang hanggang 5 taon.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga employer na kilalaning mabuti ang mga naga-apply sa trabaho bago tanggapin ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.