PatrolPH

Pagpapatupad ng curfew suspendido na sa Cavite

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2021 01:51 PM


Suspendido na ang pagpapatupad ng curfew hours sa lalawigan ng Cavite ngayong bumababa na rin ang mga kaso ng COVID-19.

Sa Facebook post noong Martes ni Cavite Board Member Kevin Anarna, inanunsiyo niya ang pansamantalang suspensiyon ng Provincial Ordinance No. 268-2020 o ang pagpapatupad ng curfew hours mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

“Pinapaalala pa rin po natin na palagi pong mag-ingat at sumunod sa mga patakaran ng gobyerno. Ang pagluwag ng mga alituntunin ay hindi po nangangahulugan na wala na po ang COVID-19,” ani Anarna.

Iba-ibang lokal na pamahalaan din ang naglabas ng kaparehong anunsiyo.

Samantala, binawi na rin ang liquor ban sa Tagaytay City, na naunang ipinatupad noong Oktubre 16.

Sa executive order na pirmado ni Tagaytay City Mayor Agnes Tolentino, sinabing wala nang liquor ban sa lungsod ngayong gumaganda ang sitwasyon sa COVID-19.

Nasa 1,003 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Cavite, ayon sa huling tala ng Department of Health-Calabarzon.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.