PatrolPH

ABS-CBN umalalay sa blood-letting drive sa Cuenca, Batangas

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2021 08:57 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Sa tulong ng kanilang rural health unit, mahigit sa 20 taon na ang taunang blood-letting sa Cuenca, Batangas. 

Isa sa mga walang palyang donor ang 69 anyos na si Carlos Magpantay, na nagdo-donate ng dugo kada 3 buwan. 

Dahil dito, tinatawag na siyang "galoner." 

“Noong ako ay mag-umpisa mag donate, mga 40 pa ako noon. Unang- una nakakatulong ka, at ang dugo mo ay nagsi-circulate na maganda sa pangangatawan," ani Magpantay.

Akay naman ng kaniyang pamangkin ang bulag na si Zosimo Mangundayaw na sinikap makarating sa Cuenca Gymnasium, para makatulong sa mga nangangailangan ng dugo. 

“Iyong lang ang alam kong paraan para ako ay makatulong. Alam ko na buhay po ang paglilipatan ng dugo na binigay," ani Mangundayaw. 

Hindi namang nag-dalawang isip na tumunlong ang anak ni Juna Valdez, na dating nangailangan ng dugo dahil sa sakit na dengue. 

“Gawa ng nangyari sa anak ko, ganon rin po gagawin namin para makatulong sa iba," ani Valdez. 

Nakaipon ng 301 bag ng dugo ang mga organiser ng blood donation drive sa Cuenca, Batangas na ginawa sa tulong ng lokal na pamahalaan, regional health department, at ABS-CBN. 

"Basta nangailangan na ospital, kahit taga saan, yan ay nakakarating nationwide," ani Dr. Carolina Cuevas ng Municipal Health Office. 

Hinikayat naman ni Cuenca Mayor Faye Barreto na magkaroon ng mga blood-letting project. 

"Ako ay humihikayat pa na hindi lang dito sa aming bayan,
nawa ay magkaroon rin kayo ng ganitong project para madaming buhay ang madugtungan," ani Barreto. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.