Suspek sa pagpatay sa binatilyo sa San Juan, sumuko na

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2020 06:02 AM | Updated as of Nov 10 2020 07:58 AM

MAYNILA - Pagkatapos ang mahigit isang linggong pagtatago, sumuko na sa mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa isang 17-anyos na binatilyo sa San Juan.

Sumuko sa opisina ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang suspek na si "Marvin", 20, nitong Lunes.

Batay sa salaysay ng suspek sa isang press conference, pasado hatinggabi ng Nov. 2 nang makipagkita si Marvin sa kanyang dating nobya sa may Brgy. West Crame. 

Kinukuha kasi umano ng suspek ang iba pa niyang naiwang mga gamit sa dating nobya.

Nang magkita silang dalawa ay kasama pala ng babae ang biktima na si "John", 17, na bagong boyfriend ng babae.

Nagkaroon umano ng bangayan sa pagitan ng dalawang lalaki na nauwi sa pananaksak sa biktima. Agad dinala sa ospital si John pero binawian rin ng buhay makalipas ang dalawang araw.

Depensa ng suspek, self-defense umano ang kanyang ginagawa dahil nauna siyang sinuntok ng biktima. Pero dahil sa takot na baka gantihan siya ng kaanak ng biktima ay lumapit na sila sa opisina ni San Juan Vice Mayor Warren Villa na siyang nag-endorso sa kanila sa alkalde.

I-tuturnover sa San Juan PNP ang suspek na ngayo’y mahaharap sa kasong murder.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.