MAYNILA — Trabaho imbes na kaso ang gustong ibigay ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga kabataang nanghablot ng kanyang cellphone sa Maynila.
Biyernes nang hablutin ng grupo ng mga kabataan ang kaniyang mamahaling cellphone mula sa kanyang sasakyan habang mabagal ang trapiko malapit sa Manila City Hall.
Sa panayam sa TeleRadyo, ikinuwento ng kalihim ang pangyayari.
"Ang health protocol kasi hindi dapat nakasara ang bintana ng kotse, di ba? Isang dangkal naka-open, nagbabasa ako ng messages. Bigla na lang may kumalampag. Nawala na 'yung cellphone ko. Ni hindi ko nakita 'yung kamay ng snatcher, di ko nakita 'yung itsura," aniya.
Matapos ang 2 araw, nahuli ng Manila Police District ang 4 na kabataang iniuugnay sa krimen. Narekober na rin ang cellphone.
Nasa edad 15 hanggang 18 ang mga suspek pero aminadong hindi ito ang unang pagkakataong nagawa nila ang pagnanakaw.
Kaya naman imbes na ipakulong, gusto ng kalihim na tulungan ang mga kabataang magkaroon ng marangal na hanapbuhay.
"Sa tingin ko, these minors might need assistance rather than penalty... Yung mga minors, 15, hindi pa puwede mabigyan ng employment. What we can do is probably give them livelihood. Iyong mga snatcher na 18 above, 'yon puwede namin bigyan ng emergency employment or I might give them regular employment nang sa gayon mapalayo sila sa tukso sa pagnanakaw," paliwanag ni Bello.
Pero hahabulin umano ni Bello ang bumili ng nakaw na gadget.
"'Yon ang mga dahilan kung bakit may mga snatcher eh. 'Yong snatcher, nag-ii-snatch din dahil alam niyang merong buyer," ani Bello.
Desidido ang kalihim na ituloy ang kaso laban sa babaeng bumili ng cellphone mula sa mga kabataang nagnakaw nito at sa lalaking nagbenta ng cellphone sa halagang P35,000.
Nagpasalamat din siya sa agarang pagresolba ng kaso at nag-iwan pa ng hamon sa mga pulis.
—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, krimen, Silvestro Bello, snatcher, Maynila, iphone, trabaho, hanapbuhay, Bello snatching incident