Panghoholdap sa guro sa Tondo, sapul sa CCTV

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2020 05:41 AM

MAYNILA - Puno ng takot ang isang 22-anyos na babaeng guro mula Tondo, Maynila matapos siyang holdapin ng isang hindi pa kilalang lalaki.

Nagwithdraw ang biktima sa ATM sa isang bangko na hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Habang naglalakad pauwi, sinunggaban siya ng isang lalaki mula sa likuran. 

Hinatak ng lalaki ang biktima sa parte ng kalsada na natatakpan ng puno at nakaparadang trak.

Ayon sa Jose Abad Santos Police, sinakal at pinagbantaan ang biktima gamit ang patalim.

Kuha sa CCTV ng Barangay 229 na sinusundan na pala ng suspek ang biktima mula pa sa bangko.

Natangay ang P5,000 na na-withdraw ng guro para sa gastusin niya sa buong linggo.

Nang makuha ang pera, tumakbo ang suspek sa direksyon ng Yuseco Street. 

Patuloy na iniimbestigahan ang pagkakakilanlan ng holdaper. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.