PatrolPH

Halos 500 biyahero stranded sa Matnog Port dahil sa 'Ulysses'

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2020 01:33 PM

Halos 500 biyahero stranded sa Matnog Port dahil sa 'Ulysses' 1
Pila ng mga truck sa labas ng Matnog Port nitong Nobyembre 10, 2020. Retrato mula sa Philippine Ports Authority TMO-Matnog

Halos 500 biyahero ang stranded sa may Matnog Port sa Sorsogon matapos suspendehin ngayong Martes ang mga biyahe dahil sa bagyong Ulysses, ayon sa pamunuan ng pantalan.

Base sa tala, 187 trucks at 40 light vehicles ang stranded sa port o katumbas ng 490 drivers at helpers.

Sinuspende ng Philippine Coast Guard ang lahat ng biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Matnog Port alas-5 ng umaga matapos isailalim sa Signal No. 1 ang lalawigan dahil sa bagyo.

Watch more on iWantTFC

Ayon kay Achilles Galindes, acting division manager ng Philippine Ports Authority TMO-Matnog, pinalabas sa pantalan ang lahat ng mga sasakyan at papapasukin sa oras na payagan na ulit ang mga biyahe.

Sa kaniya-kaniyang sasakyan muna nananatili ang mga stranded na pasahero habang naghihintay ng evacuation area mula sa lokal na pamahalaan.

Huling namataan ang Ulysses sa may silangan ng Virac, Catanduanes nitong umaga ng Martes, ayon sa PAGASA.

Inaasahan umanong lalapit ito sa Catanduanes at Camarines Norte sa Miyerkoles, at magla-landfall sa Quezon province sa Huwebes.

-- Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.