3 anyos na bata, patay sa sunog sa Las Piñas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2020 05:39 AM | Updated as of Nov 10 2020 07:47 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Namatay nang ma-trap sa loob ng nasusunog na bahay ang isang 3-taong-gulang na batang lalaki sa Bgy. Daniel Fajardo, Las Piñas City matapos sumiklab ang apoy doon Lunes ng gabi. 

Natupok ang 5 magkakatabing bahay sa Lopez Compound sa sunog na tumagal nang mahigit isang oras. 

Ayon kay Supt. Arthur Sawate, ang city fire director ng Las Piñas, posibleng naiwang kandila ang mitsa ng sunog.

Pagkatapos maapula ang sunog bago mag-10:40 ng gabi, saka na lang nailabas ng mga bombero ang bangkay ng batang si Steven Telmo. 

Naiwan umano sa kuwarto si Steven at ang nakababatang kapatid nito nang bumili ng diaper ang magulang. 

Nag-banyo naman ang kanilang lola pero malakas na ang apoy nang balikan ang kuwarto. 

Nalapnos at nasugatan pa sa binti ang isang fire volunteer na sumuong sa nasusunog na bahay para iligtas ang bunsong kapatid ni Steven. 

Aabot sa P200,000 ang tinatayang halaga ng natupok. 

Patuloy namang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.