SUV nadaganan ng truck sa Batangas; 1 patay, 2 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 10:55 AM | Updated as of Nov 10 2019 06:10 PM

Kuha ng 7-Eleven-Tambo, Lipa City

LIPA CITY, Batangas — (UPDATE) Patay ang isang babae habang sugatan naman ang 2 iba pa matapos madaganan ng truck ang isang SUV sa intersection ng JP Laurel Highway at Tambo Exit ng Star Tollway sa lungsod na ito, Sabado ng gabi.

Ihahatid sana ng truck sa Sta. Rosa, Laguna galing Calaca, Batangas ang kargang 20-toneladang trigo nang pumalya ang preno nito at tumama sa traffic light bago bumagsak sa nakatigil na SUV sa intersection. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nailabas agad ang driver ng SUV na nagtamo ng kaunting bali, pero naiwan ang nobya niyang si Gemma Navarro na naipit dahil sa nabagsak na truck. 

Nahirapang i-rescue si Navarro kaya binigyan muna ito ng oxygen at nakakausap pa. 

Naiangat ang truck gamit ang tow truck matapos ang ilang oras at naisugod pa si Navarro sa pagamutan pero namatay din ito. 

Tumagal ng 3 oras ang rescue operation dahil umano sa kakulangan ng rescue equipment.

Kinilala ang truck driver na si Arnel Alaban. 

Ayon sa punong barangay ng Tambo, accident-prone ang lugar kaya naglagay sila ng barriers sa unahan ng intersection para maiwasan ang mabilis na pagpapatakbo ng mga sasakyan.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injuries at damage to properties -- Ulat ni Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.