Palay na lubog sa baha, pilit na inani ng magsasaka sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 10:37 PM

Hinangaan ng netizens ang isang magsasakang pilit na inani ang kaniyang mga tanim na palay sa kabila ng pagkalubog ng kaniyang taniman sa bayan ng Aparri sa Cagayan.

Sa video ni Romeo Furagganan, makikita ang palayan na lubog pa rin sa baha nitong Sabado.

Pero nilusong ito ng isang magsasaka para lang anihin ang palay.

Manu-manong ginagapas ng magsasaka ang palay na parang nanghuhuli ng isda sa halos hanggang beywang na taas ng tubig.

Gumamit na lang din ang magsasaka ng balsa para lang mahakot ang mga nagapas na palay.

 

Humanga naman ang ilang netizen sa ipinamalas na katatagan ng magsasaka. Marami rin ang naawa sa kalbaryong dinaranas ngayon ng mga magsasaka na kamakailan lang ay problema ang pagbaba ng presyo ng palay. 

Nanawagan ang mga netizen na magbigay ng sapat na tulong ang gobyerno sa mga magsasaka na apektado ng kalamidad.

Binaha ang malaking bahagi ng northern Cagayan dahil sa halos isang linggong pag-uulan bunsod ng frontal system na pinalala ng bagyong Quiel.

Sa inisyal na tala ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 1,673 magsasaka ang apektado ng pagbaha kung saan umaabot na rin sa 2,877 ektaryang palayan ang napinsala. Katumbas ito ng mahigit P89,966,954 na halaga ng nasirang palay.

Aabot naman sa P196 milyon ang halaga ng napinsalang high-value crops.

May napaulat na limang namatay dahil sa iba’t ibang insidente gaya ng pagkalunod, pagkakuryente at pagguho ng lupa.

Isinailalim na rin sa state of calamity ang probinsya para magamit ang pondo para sa pagbibigay ayuda sa mga nasalanta at rehabilitasyon ng mga napinsala ng pagbaha. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.