Pahirapang pagkuha ng huling sahod inireklamo ng ex-messenger

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 06:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Halos 11 taon nagtrabaho bilang messenger si Christopher Villeza sa Xend Business Solutions Inc., isang courier service company.

Maayos umano ang pamamalakad ng kompanya sa umpisa hanggang sa magkaproblema sa sahod.

"Halimbawa, palagay natin P6,000 [ang sahod], P3,000 lang muna,' sabi ni Villeza sa panayam ng ABS-CBN News.

"Nag-aabot 'yong cut-off, hindi pa totally paid 'yong isang sahod," ani Villeza, na kalaunan ay nag-resign sa trabaho.

Dahil hirap sa pagkuha ng cash bond at huling suweldo, nagreklamo si Villeza sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ibinabang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) ng DOLE, sinabi nitong P70,000 pa ang kailangang bayaran ng kompanya kay Villeza.

Sa kabila ng desisyon, hirap pa rin si Villeza na masingil ang pera.

"Kung mayroon na pong decision ang DOLE in the form of compliance order or decision ng labor arbiter... sisingilin na ito ng gobyerno sa pamamagitan ng DOLE," ani Labor Assistant Secretary Benjo Benavidez.

Ayon sa DOLE, tumatagal nang hanggang isa't kalahating taon ang proseso sa pagdinig ng mga reklamo.

Kung totoong may problemang pangpinansiyal ang isang kompanya, may mga legal naman umanong paraan para matiyak na mababayaran pa rin ang claims ng mga manggagawa.

"Kung hindi mo ito masingil, punta ka sa mga bangko ng employer na ito, i-garnish mo 'yong account na 'yon," ani Benavidez.

"Puwedeng kuhanin 'yong mga movable properties or worst, 'yong mga lupa... pero may order of execution tayo," dagdag niya.

Kung natatagalan sa proseso, pinapayagan ng DOLE na makipagkasundo ang manggagawa sa employer.

Sa kaso ni Villeza, napagkasunduan na bayaran ng kaniyang kompanya ang kalahati ng kaniyang claim at huhulugan ito ng P5,000 kada buwan. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.