P300-M halaga ng pinsala naitala matapos ang tidal wave sa Occidental Mindoro

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 02:19 PM | Updated as of Nov 10 2019 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasabay ng pagbangon mula sa kalamidad, umapela ng tulong ang mga residente ng Paluan, Occidental Mindoro matapos mawasak ang kanilang bahay at kabuhayan dahil sa ilang araw na paghampas ng malalaking alon.

Tinatayang nasa P300 milyon na ang halaga ng pinsala matapos hampasin ng alon na nasa higit 5 metro ang taas ang mga kabahayan.

Sa Barangay Marikit, halos kalahati na lamang ng mga bahay ang nakalitaw matapos malubog sa buhangin. Nawasak din ang seawall na itinayo noong nakaraang taon.

Ayon kay municipal local disaster head Albert Dimaano, posibleng mas matindi ang naging pinsala kung wala ang seawall, kaya importante na maayos ito agad.

Apektado ng sea swell ang mga Barangay 1 hanggang 6, Marikit, Lumangbayan, Tubili, Harrison, Alipaoy at Mananao.

Nitong Linggo, namahagi ng relief goods ang lokal na gobyerno at Department of Social Welfare and Development.

Bukod sa relief goods, tulong sa pagpapagawa ng bahay at bangka ang hiling ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.