4 suspek kinasuhan sa pagpatay ng radio broadcaster sa Dumaguete

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 12:56 PM | Updated as of Nov 10 2019 02:55 PM

DUMAGUETE CITY - Kinasuhan na ang 4 na lalaking suspek sa pamamaslang ng radio broadcaster na si Dindo Generoso sa lungsod na ito noong Huwebes.

Nakakulong ang 2 sa Dumaguete Police. Kinilala ito bilang sina Teddy Salaw, ang umano'y driver ng pick-up kung saan nanggaling ang gunman, at retired police na si Glenn Corsame, ang umano'y driver ng motorsiklo na sinakyan ng gunman patakas.

Patuloy namang tinutugis ang 2 pang suspek na sina Tomasino Aledro, registered owner ng pick-up, at ang tinuturong gunman na si Patrolman Roger Rubio, isang active police sa Guihulngan, Negros Oriental.

Matapos ang insidente, hindi na nakabalik sa trabaho si Rubio, ayon kay Police Major Jesus Mesajon, deputy chief ng Dumaguete Police.

Personal na away o may kinalaman sa trabaho ni Generoso sa radyo ang tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen.

Hinihintay ng mga awtoridad ang resulta ng ballistic exam sa nabawing armas mula kay Salaw, at ang paraffin test sa kaniya at kay Corsame.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.