3 timbog sa droga sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 08:24 AM

MAYNILA - Arestado ang 3 drug suspek sa ikinasang buy-bust operation sa Pasong Tamo, Quezon City nitong Sabado ng gabi.

Duguan ang ulo ni alyas Jayson matapos maumpog nang magulat siya sa pagdating ng pulisya.

Nahuli rin sa drug session ang dalawa pang kasama ni Jayson na sina alyas Joana at Jericho. Nakumpiska sa mga suspek ang 5 gramo ng shabu na may halagang P34,000. 

Ayon sa QC Police District Station 6, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtutulak si Jayson ng droga sa Holy Spirit at Pasong Tamo. Tinanggi niya ang mga alegasyon.

Ayon kay Jericho, inutusan lang siyang bumili ng yelo ng tiyahin at nadamay lang sa gulo. Pero aminado si Joana na bumili ng shabu sa halagang P200 para raw hindi antukin sa kaniyang trabaho bilang waitress sa isang bar.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong pagbebenta at possession ng droga.

Tinutugis naman ang umano’y may-ari ng barong barong na si alyas Jerry.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.