Umano'y carnapper patay sa engkuwentro sa Biñan City

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 10:10 AM | Updated as of Sep 30 2019 02:55 PM

Positibong kinilala ng biktima ang isa sa dalawang lalaking humarang at tumangay sa kaniyang motorsiklo sa Biñan, Laguna. Larawan mula sa Biñan City Police

BIÑAN, Laguna - Patay sa engkuwentro ang isang hinihinalang carnapper habang nakatakas naman ang kasamahan nito Sabado dito sa siyudad. 

Ayon sa Biñan City Police, bandang alas-2 ng madaling araw ng Sabado nang mag-report sa kanilang estasyon si Angelito Desierto.

Base sa salaysay ni Desierto, pinara siya ng dalawang lalaki habang papauwi mula sa trabaho at tinangay ang kaniyang motorsiklo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Agad na nagsagawa ng followup operation ang pulisya at natunton ang mga suspek sa Barangay San Antonio.

Doon na rin nagkapalitan ng putok ng baril ang mga pulis at mga suspek.

Nakatakas ang isa habang tinamaan naman ng bala ang kasama nito.

Nagawa pang maisugod sa ospital ang sugatang suspek pero idineklara na itong dead on arrival.

Narekober sa crime scene ang isang baril at limang sachet ng hinihinalang shabu.

Pinaghahanap naman ngayon ng awtoridad ang nakatakas na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.