Barangay sa Cavite, nagbibigay ng bigas kapalit ng basurang plastik

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 08:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang barangay sa Cavite ang may kakaibang paraan upang masolusyunan ang problema sa plastik, gayundin ang pagmahal ng presyo ng bigas sa merkado.

Sa ilalim ng proyekto ng Barangay Talon, Amadeo, Cavite, maaaring magbigay ang mga residente ng isang kilong plastik tulad ng mga sachet at bote kapalit ng isang kilong bigas.

 

Gugupitin naman ng mga kabataan ang mga nakolektang plastik at gagawing "eco-blocks" na gagamitin sa paggawa ng school building sa komunidad. 

Paliwanag ni Sangguniang Kabataan (SK) chairman John Dexter Batino, sinimulan nila ang proyekto para masolusyonan ang problema sa mahal na bigas at tone-toneladang basura sa lugar. 

Higit dalawang trak ng basurang plastik raw linggo-linggo ang nakokolekta sa barangay. 

Para sa mga residenteng sina Devy Austria at Norly Capacia, makakatipid sila sa ganitong proyekto lalo na't tumataas ang presyo ng mga bilihin. 

"Mahal na po kasi ang bigas ngayon, nasa P60 hanggang P65, at least ito, iipunin lang namin ang basura," ani Austria.

Nananawagan ang barangay na bawasan ang paggamit ng plastic lalo na't palapit na ang Pasko. 

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.