Barangay kagawad patay matapos umano manlaban sa pulisya

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 11:39 AM | Updated as of Nov 10 2018 03:26 PM

ALIMODIAN, Iloilo - Patay ang isang kagawad ng Barangay Pianda-an Norte sa bayang ito matapos umanong manlaban sa pulisya sa isinagawang operasyon sa Barangay Pianda-an East Biyernes ng hapon.

Ang naturang kagawad ang itinuturong suspek sa pamamaril kay PO3 Jonathan Guzman noong Biyernes ng umaga.

Binaril umano ng suspek si Guzman nang mapag-alamang minamanmanan siya nito.

Ayon kay Insp. Danilo Noca, hepe ng Alimodian Police, ilang pulis na ang napag-utusang manmanan ang nasabing kagawad matapos makatanggap ng report na nanakot ito ng ilang mga residente gamit ang baril.

Nasa maayos na kalagayan na si Guzman, na nasa isang ospital sa Iloilo City. 

Nakuha mula sa crime scene ang isang 9mm pistol at mga bala. Nang kapkapan ang napatay na kagawad, nakuhanan ito ng isang granada sa kaniyang bulsa.

Itinanggi ng mga kaanak ng kagawad na pagmamay-ari nito ang granada at baril. Ayon sa kanila, pumunta sa Barangay Pianda-an East ang kagawad dahil bisperas ng libing ng kaniyang ina.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.